May Pasko Pa Rin
Fermin S. Salvador
Nagsisimbang-gabi ang balana, tandang
Ay muling naging orasan -
Sa kasiglahan ng sanggol na umaga'y
Magarang saplot ang puyat na dagitab
Na may sarikulay, maging sarihubog;
Nagsisimbang-gabi ang balana, tandang
Nagpapasko pa rin:
Kaya 'nilalako uli ang debate
Ng ating ninuno na gaya'ng deboto,
"Sa Deciembre veinte-cinco ba si Cristo
Tunay na 'sinilang?" "May Santa Claus nga ba?"
At, may hikab, "Ano ang diwa ng Pasko?"
Matatanda, tulad ng sangkapaslita'y
Pawang tinatablan ng mithi na hapag
Ay maging sagana;
Matatanda, tulad ng sangkapaslita'y
May taas-kamao na makapaghandog
At makapagyabang;
Bawat sabit ng parol ay tango ng pag-ayon
Bawat kyut na krismastri'y dambuhalang pagtugon
Bawat bagong karoling ay wika ng panahon
Bawat tindang binilot ay lakip ang paglagom
Na may Pasko pa rin,
Habang sa karimlan ng laot na langit,
Hindi nag-iisa ang tala't bituin.
Monday, April 9, 2007
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment